“Kasumpa-sumpa
ang maging babae sa panahong ito.”
-Ruth Elynia S. Mabanglo
ang maging babae sa panahong ito.”
-Ruth Elynia S. Mabanglo
Ayon sa tula ni Ruth Mabanglo, kusumpa-sumpa ang maging babae dahil hanggang ngayon, nakukulong pa rin ang mga babae sa nakaraang depenisyon na ito ay mahina. Isang babasaging kristal na sa kakaunting pagpapabaya ay maaaring mabasag o masira. At dahil rito, ayon sa matandang paniniwala, bilang isang dalaga, ang isang babae ay nasa pangangalaga ng kanyang ama at mga kapatid na lalaki hanggang sa ito’y mag-asawa at ang pangangalaga ay malilipat sa esposo.
Ito ang matandang paniniwala patungkol sa babae sa Pilipinas.
Ngunit hindi ganito mula sa simula.
Pahanong Pre-hispaniko
Bago pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, may parting ginagampanan ang mga babae sa lipunan. Sa mga panahong ito, ang babae ay kapantay ng lalake. Sa isang pamilya, ang karapatan ng anak na babae ay kapantay ng sa anak na lalake—kasama na rito ang partihan sa mana. Bukod pa riyan, ang babae ay may karapatang magkamit ng karangalan at posisyon sa lipunan. At kung siya ay solong anak, may karapatan siyang magmana at mamuno bilang tagapagmana ng pamilya. (Subido, 1989: pahina 1)
Ang pagmamay-ari ng bahay, karapatang ipasawalang-bisa ang kanyang kasal, at magboses ng opinion ay parte rin ng kakayahan ng isang babae bago pa man dumating ang mga Espanyol sa ating bansa. Maging sa kanyang pananamit, walang limitasyon.
Panahon ng Espanyol
Ngunit nang dumating ang mga mananakop, ang Pilipinas ay napuno ng mga batas ng kodigong Sibil at kodigo ng Komersyo kung saan bumaba ang estado ng babae dahil pinag-ibayo ng mga bagong batas na ito ang pagtingin sa babae. Mas mababa na ang estado nito sa ngayon. Nawala na ang mga dating karapatan na naglalagay sa babae sa parehong pwesto tulad ng kanyang kapatid na lalaki.
Hindi na rin siya pwedeng magsuot ng mga damit na ayon sa mga Espanyol ay “malaswa” at “mula sa demonyo.” Nawala na rin ang kakayahan nitong makapag-aral, makapagbigay ng opinyon sa mga usaping pambayan, maging ang kanyang kakayahang mamuno ay wala na.
Sa isang iglap, ang babae ay naging isang nilalang na hindi nakikita sa lipunan. Isang nilalang na nasa bahay lang mula pagkabata. At kapag nag-asawa, kailangan nitong sundin ang lahat ng luho ng kanyang esposo kung hindi ay isa iyong malaking kasalanan.
Maging ang Katoliko Romano, mas lalong pinagtibay ang kawalang ng bokasyon ng isang babae sa panahon na iyon. Malimit lamang ang mga babaeng talagang lumalaban sa sistema tulad nina Melchora Aquino o Tandang Sora, Gabriella Silang at iba pang mga anak ng katipunan.
Ngunit lahat ng mga kalayaang tinatamasa nila ay naabot lamang nila kapalit ng kanilang pagiging kalaban ng lipunan.
Panahon ng mga Amerikano
Nang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, muli ay nabigyang laya ang mga kababaihan. Dahil sa libreng edukasyon noon ng mga Amerikano, maging ang mga kababaihan na noong panahon ng mga Espanyol ay mga dasal at kasulatan lamang na pang-simbahan ang alam ay nakapag-aral. Nagkaroon din sila ng karapatan makaboto at ilabas ang kanilang saloobin sa lipunan at mga bulok na sistema. Muli ay nakamit nila ang kalayaan na ipinagkait sa kanila ng lagpas tatlong siglo.
Lahat ng mga kalayaan na ibinigay sa ng mga Amerikano ay kanilang ginamit na lubusan upang mabawi ang kanilang karapatang pampolitikal, pangsibil, pang-ekonomiko, at pang-sosyal na parehong kalagayan nila sa mga kalalakihan.
Ngunit ang kalayaan na ito ay panlabas na anyo lamang ng mga kababaihan dahil kahit na bukas na ulit para sa kanila ang lipunan, ang mga maliliit na institusyon ay hindi pa. Tulad na lang sa loob ng pamilya, maraming babae pa rin ang ikinukulong sa bahay pagkat ang kinikilala nilang depinisyon ng pagiging babae ay ang panganganak, pag-aalaga ng anak at paglilingkod sa asawa. Sa bandang huli, ang karapatan nilang magaral ay napupunta lamang sa pagiging isang may-bahay.
Panahon ng Hapon
Nang salakaying ng mga hapon ang Pilipinas, muli ay nawala ang kalayan ng mga kababaihan at sa halip ay lalo silang natapon sa kamay ng mga kalalakihan. Nagkaroon ng mga comfort women na ang naging papel ay maging taga-aliw ng mga sundalong hapon. Kahit na gipit noong panahon na iyon ang lahat ng mga Pilipino, mas matindi ang sinapit ng mga babae dahil sapilitian silang ginagawang laruan ng mga hapon. Hindi lamang upang tugunan ang kanilang makamundong sidhi ngunit para na rin yurakan ang dignidad ng mga Pilipino.
“Kaya nila ginawa ‘yon dahil alam nila na mas masasaktan ang mga Pilipino dahil hindi lamang ang mga babae ang dinudungisan kundi pati na rin ang buong sambayanang Pilipino dahil ang babae ang nanganganak,” sabi ng isang mag-aaral ng Hum1 nang pinag-uusapan ang dahilan kung bakit nagkaroon ng mga comfort women matapos basahin ang autobiography ni Rosa Henson, dating naging comfort woman noong panahon ng Hapon sa lalawigan ng Pampanga.
Isa lamang ito sa mga naging kasakitan ng mga kababaihan noong panahon na iyon. Marami pang iba.
Babae sa kanyang paglaya sa tanikala
Dahil sa mga sinapit na ito ng mga kababaihan, mas lalong naging masidhi ang pagnanais na makawala sa tanikala na tila nakatali sa kanilang pagkatao. Dito nag-ugat ang Kilusang Kababaihan.
Ngunit kung tutuusin, matagal ng nagsimula ito noon pang panahon ng mga Espanyol, ngunit nabigyan lamang sila ng boses, noong 1905.
Kilusang Kababaihan
Depinisyon at Kasaysayan
Ang kilusang kababaihan ay ang mga political, social, and cultural movements na nababatay sa mga teorya at pilosopiyang moral na may kinalaman sa mga usapin patungkol sa hindi pagkakapantay ng lalaki at babae, at mga diskriminasyon sa babae.
Ayon sa ilang kasulatan, ang pangkalahatang kilusang kababaihan ay may tatlong yugto. Ang una ay noong ikalabing-siyam na siglo hanggang sa mga unang bahagi ng ikadalawampung siglo, ang ikalawa naman ay noong 1960s hanggang 1970s, at ang huli ay mula 1990s magpasahanggang ngayon.
Ang unang yugto ay nag-ugat sa United Kingdom at United States patungkol sa mga isyu ng equal rights sa mga kontrata at mga pag-aari ng isang babae at ang pag-ayaw nito sa isang pilit na kasal, gayun na rin ng pag-aari ng asawang lalaki sa asawang babae. Ngunit sa bangdang katapusan ng ikalabing-siyam na siglo, natuon sa mga karapatang political ang kilusang kababaihan.
Ang ikalawang yugto naman, tulad ng nauna ng nasabi ay nagsimula noong mga unang bahagi ng 1960s at nagtapos mga huling bahagi ng 1980s. Tungkol ito sa mga kultural at political na pag-aalsa ng mga kababaihan. Kung ang unang yugto ay tumutukoy sa mga paghihirap ng mga kababaihan, ang pinatutungkulan naman nito ay ang hindi pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki at ang katapusan ng diskrminasyon.
Ang ikatlong yugto naman ay nagsimula mga unang taon ng 1990s bilang isang tugon sa mga hindi nagtagumpay nalayon ng ikalawang yugto ng kilusang kababaihan. Naghahangad ito na talunin ang dating depinisyon ng feminismo o femininity na ayon sa mga advocate ng ikatlong yugto ng kilusan ay sobrang istrikto at ideyal.
Feminismo sa Pilipinas
Ang kilusang kababaihan ay isang kilusang nananawagan hindi lamang sa pagpapalaya ng kasarian mula sa pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan kundi pati na rin sa pambansang pagpapalaya. (Kalagin ang ating tanikala: batayan kurso sa kalagayan at pakikibaka ng kababaihang Pilipino: pahina 3)
Sa pamamagitan ng kilusang ito, nasisigurong mayroong behikulo para sa pakikipaglaban para sa mga isyung kinasasangkutan ng mga babae sa lipunan.
Upang maisulong ang paglaya, partikular na ginagawa ng kilusan ang paglaban sa mga institusyon ng lipunan na nagsusulong sa sistema na patriarka—mula sa estado, negosyo, simbahan, paaralan, masmidya hanggang sa pamilya. Ang mga istitusong ito kasi ang higit na nagsasadlak sa mga babae sa mababang posisyon sa lipunan.
Sa ating bansa, mayroong iba’t ibang klasae ng kilusang kababaihan. Ayon sa nabanggit na libro, mayroong tatlong katangian na dapat taglayin ang mga ito upang ganap na makilalang kilusang kababaihan. Ito ay ang mga sumusunod:
Isa dapat itong kilusang nakapaloob sa kabubuang kilusan para sa pagpapalaya ng bayan.
Sabi nga, ang usapin ng paglaya ng mga kababaihan, kailanman ay hindi maaaring ihiwalay sa usapin ng paglaya ng bansa mismo. Kasi naman, hangga’t hindi pa napapalaya ang bayan mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo, hinding-hindi rin lalaya at magkakaroon ng pantay na katayuan sa mga kalalakihan ang mga kababaihan. Ang mga salot na ito sa lipunan ay pawang mga nagiging daan sa pagpapaigting ng pang-aaping ating nararanasan.
Ikalawa, isa dapat itong kilusang masa.
Kapag sinabing masa, kadalasan sila ang mga nakararaming api sa lipuan. Mainam na sila ang mamuno sa kilusan upang matiyak higit na pagpupursigi upang makamit ang pangunahing layunin ng paglaya. Kumpara kasi sa mga nabibilang sa nakatataas na antas ng kabuhayan, mas nararamdaman ng masa ang pagsasamantala at pang-aalipusta. Kaya naman masasabi na sila ang pinaka-naghahangad ng pagkalag mula sa tanikalang ng pang-aapi at pagsasamantala ng naghaharing uri.
Ikatlo, isa dapat itong militanteng kilusan.
Upang makamit ang inaasam na pagbabago sa lipunan, kinakailangan na isantabi ang pagiging pasibo at kimi; sa halip, dapat ay maging matapang at mapangahas na makibaka para sa mga karaingan at karapatan. Walang mangyayari sa kasalukuyan kalagayan kung hindi magbubuklod ng lakas at sama-samang sa aktibong paglaban.
Nakasaad din sa libro ang mga tungkuling dapat gampanan ng isang kilusang kababaihan.
1. Maramihang palahukin ang mga kababaihan sa mga pakikibaka ng sambayanan at ng iba’t ibang sektoral na kilusan.
Dahil sa mga isinasagawang pagkilos ng mga kababaihan, dalawa sa kanilang mga isinusulong ang kaagad-agad na natatamo: ang pagpapalakas sa kanilang pakikibaka sa bayan, at ang pagsulong ng kanilang kalayaan.
2. Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng kababaihan, sa larangan ng ekonomiya, pulitika, at kultura.
Sa larangan ng ekonomiya, nararapat lamang na isulong ang mga karapatan ng mga kababaihan tulad ng karapatan para sa mahusay at makataong empleyo, karampatang bayad na pantay sa kalalakihan para sa parehon trabaho., pantay na access sa mga resources, at pantay na oportunidad. Dapat na tutulan ang gender-strereotyping.
Sa pulitika, karapatan ng mga kababaihang magkaroon gn wastong representasyon sa iba’t ibang institusyon sa lipunan. Ang mga ito ang magsisilbing boses ng nakararami.
Sa kultura, kinakailangang suportahan ng estado ang demokratisasyon sa pamilya upang mapagaan na ang pasanin ng mga kababaihan pagdating sa bahay, at nang mabago na rin ang naging tradisyunal na palakad sa pamilyang Pilipino.
3. Pangalagaan ang kagalingan ng mga bata.
Hindi dapat na maging solong responsibilidad ng mga babae ang pagtataguyod sa kanilang mga anak. Tuwing nangyayari kasi ito, patuloy silang natatali sa bahay at nalilimitahan ang kanilang partisipasyon sa lipunan.
4. Makipagkaisa sa mga kababaihan sa iba’t ibang panig ng daigdig para labanan ang pang-aapi sa kababaihan.
Kung mayroong pagkakaisa, mas mapapadali ang pagtamo sa layuning paglaya. Basta ba unahin lamang ang pagkakaisa nila laban sa pangunahing salot—ang imperyalismo. Ito kasi ang pinakanagsasadlak sa mga kababaihan sa ibayong kahirapan at karahasan.
Nabanggit din sa Kalagin ang ating tanikala: batayang kurso sa kalagayan at pakikibaka ng kababaihang Pilipino ang mga pangunahing gawain ng kilusang kababaihan. Napakarami ng mga gampanin ng mga kilusang kababaihan tungo sa pagsusulong ng pakikibaka at paglaya ng kababaihan. Bawat gawain ay mahalaga at nagbubukas ng iba’t ibang mga kasanayan para sa mga kababaihan.
1. Edukasyon
Mahalaga na mamulat ang mga kababaihan sa tunay na kalagayan nila sa buhay. Dapat nilang mabatid ito nang sa gayon ang kaalamang ito na ang magsilbing daan tungo sa kanilang paglaya. Sa oras na malaman na nila ang ganitong katotohanan, mag-uumpisa na ang unti-unting proseso ng pagbabago sa kanilang mga buhay. Magkakaroon na rin sa wakas ng panimulang pagkilos.
2. Pag-oorganisa
Ito ang nagsisilbing sandigang lakas ng kilusang kababaihan. Nakabatay ito sa uri. Mahalaga na tutukan o bigyang-pansin ang ang pag-oorganisa sa kababaihang anakpawis. Bagaman hindi ipinagbabawal na bumuo ng mga organisasyon na kinabibilangan ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang uri ng pwersa sa lipunan.
Iba-iba ang anyo ng organisasyon ng mga kababaihan batay sa kani-kanilang mga pangangailangan o kalagayan.
3. Kampanya at Pakikibakang Masa
Makikita ang lakas ng mga kababaihan base sa kanilang mga ginagawang aktibong pagkilos.
Kampanya—serye ng mga pagkilos na isinasagawa ng masa upang ipaglaban ang isyu o kahilingan.
Pakikibakang masa—aktwal na pakikitunggali o paghamon ng masa sa mga kaaway sa uri upang maipagwagi ang ilang mga kahilingan o koneksyon.
4. Propaganda
Ito ay pagsasagawa ng malawakang pagbibigay-edukasyon sa publiko kaugnay ng mga usaping nakakaapekto sa mga kababaihan. Naipapalaganay ang impormasyon sa pamamagitan ng mas midya tulad ng radyo, pahayagan, sine, at telebisyon. Ngunit hindi maaaring lubusang umasa sa midya lalo na’t maraming impormasyon ang pinaghihigpit dito.
Kasabay ng pagpapalaganap ng impormasyon sa ganitong mga paraan, nararapat pa ring i-maintain ng organisasyon ang mga sarili niton daluyan ng impormasyon tulad ng kanilang pahayagan, manipesto, iskit, kulturang pagtatanghal at iba pa.
5. Networking at Pakikipag-alyansa
Networking—pagbubukas ng pagkikipag-ugnayan sa mga organisasyon, institusyon, indibidwal para sa mga kadahilanan tulad na lamang ng pagpapalitan ng impormasyon o kaya naman ay pagpapadalo sa mga kumperensya.
Pakikipag-alyansa—pakikipagkaisa sa mga organisasyon, institusyon, o indibidwal batay sa iisang pagtingin o pagposisyon sa mga isyung kababaihan o pambayan. Ito ay dapat lamang na nakabatay sa prinsipyo at hindi lang sa mga personal na dahilan o kahiyaan.
Ang mga gawaing ito ang magsisilbing daan tungo sa paglawak ng hanay ng kilusang kababaihan.
Ang Pakikibaka ng mga Kababaihan sa Malapyudal at Mala-kolonyal na Sistema
Iba’t ibang kilusan ang naitatag upang matamo ng mga kababaihan ang kalayaan mula sa pang-aaping nararanasan. Nag-umpisang lumahok ang mga kababaihan sa pakikibaka ng masang Pilipino. Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga kilusang ito:
Makabayang kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA
Itinayo ang militante at rebolusyunaryog organisasyn na ito noong 1970. Ito ang kauna-unahang samahan ng mga kababaihan sa Pilipinas na malinaw na nagtataguyod hindi lamang ang pambansang kalayaan at demokrasya kundi pati na rin para sa naaaping uri. Bumuo rin ito ng mga programa para sa paglaya ng mga kababaihan. Ang mga miyembro nito ay pawang mga babaeng aktibista mula sa hanay ng kabataan.
Nililinaw nito ang isyu na bukod sa pagsasamantala ng mga dayuhan at ng naghaharing uri, dumaranas din ang masang kababaihan ng pagsasamantala dahil na rin sa kanilang kasarian.
Kilusan ng Manggagawang Kababaihan o KMK
Binuo ang pambansang organisasyon na ito ng mga kababaihang manggagawa noong 1980. Isinusulong nila ang pagtatanggol sa kinasasadlakang pang-aapi ng mga babae sa larangan ng ekonomiya.
SAMAKANA
Nabuo noong 1983, isa itong mulitsektoral na organisasyon ng mga kababaihan. Kalaunan, ito’y naging organisasyon ng mga kababaihan sa mga maralitang komunidad.
Women for the Ouster of Marcos and Boycott o WOMB
Ito’y bunga ng pag-oorganisa ng mga babae mula sa hanay ng mga petiburgesya. Hayagan nilang ipinapakita ang kanilang oposisyon sa diktadura noong panahon ni Marcos.
General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership and Action o mas kilala sa pangalang GABRIELA
Naitatag ito noong 1984. Isa itong pambansang koalisyon ng kababaihan mula sa iba’t ibang uri na lumalaban sa diktadurang Marcos. Noong 1986 naman, ang organisasyong ito ay naging sentrong pampulitika ng militanteng pagkilos ng kababaihang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at pagkakapantay-pantay ng babae at lalake.
AMIHAN
Ito’y isang pambansang pederasyon ng kababaihang magbubukid sa Pilipinas. Naitayo ito sa tulong na rin ng GABRIELA.
Konklusyon
Lipunan talaga ang nagtatakda ng magiging papel ng babae o lalaki. Ito ang pangunahing nagtatakda ng mga ikikilos nila.
Noong simula, bago pa man tayo sakupin ng mga Kastila, ay mataas pa ang katayuan ng mga kababaihan sa lipunan. Kapantay pa sila ng mga kalalakihan. Ito ay dahil wala pang masyadong paghahati sa mga komunidad o basehan ng mga teritoryo sa kalakhan sa bansa. Nang dumating ang mga Espanyol ay naitatag ang lipunang kolonyal at piyudal na siyang nagpabago ng mga kasanayan o sistema sa ating bansa. Ito ay isa sa mga naging dahilan ng pagkakaroon ng pag-uuri –uri. Bunga nito, ang pagpapalaganap nila ng pagkakaroon ng mababa at sekundaryang posisyon ng mga kababaihan sa lipunan. Nabuo ang konsepto ng sistemang patriarka sa ating bansa. Patriarka ang sistemang hanggang sa ngayon ay nagbibigay pa rin ng lamat sa kakayahan o pagkakakilanlan ng mga kababaihiang Pilipino. Sa pagsakop naman sa atin ng mga Amerikano, higit nila tayong nakontrol dahil sa paghahari ng imperyalismo. Ito ang higit na nagpasidhi sa pang-aapi sa mga kababaihang Pilipino kahit na nabigyan tayo ng laya na makapag-aral at magpartisipa sa mga gawaing panlipunan. Nagbigay ang kanilang mga direksyon ng huwad na kalayaan na hindi matutumbasan. Nang dahil sa sistemang kolonyal at malapyudal na kanilang ipinalaganap, lalong nagkaroon ng klarong hatian sa mga uri sa Pilipinas. Ang mahirap ay sadlak lalo sa kahirapan; ang mayaman ay ubod ng yaman; ang babae ay naging isang edukadang alipin ng kanyang asawa. Isang matinding pinsala naman ang idinulot ng pagsakop sa atin ng mga Hapones. Naging laganap ang panggagahasa at sekswal na pang-aabuso sa kababaihang Pilipino na hindi lamang sumira sa kanilang pagtingin sa sarili, kundi pati na sa harap ng ibang tao ay naging madungis ang anyo ng mga kababaihan. At hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paghahari ng sistemang patriarkal sa bansa na kahalo na ang iba pang pang-aapi ng iba pang mga nagdaang panahon.
At upang ibawi ang dangal ng kababaihan, maraming mga kilusan ang umusbong upang tugunan ang mga hinaing na hindi napapansin at hindi pinapansin ng lipunan. Ito ang mga kilusang kababaihan na siyang nagbibigay ng suporta at naglulunsad ng mga gawain upang matulungan ang mga Filipina na magpahanggang sa ngayon ay alipin pa rin ng huwad na kalayaan, pang-aapi, at diskriminasyon.
“Kahit masugat –sugatan ang sarili,
Upag ang dugong
Sa kabahagi lamang dumadaloy,
Maglandas din sa isip at guni-guni.”
Ang Maging Babae
Ruth Elynia S. Mabanglo
Upag ang dugong
Sa kabahagi lamang dumadaloy,
Maglandas din sa isip at guni-guni.”
Ang Maging Babae
Ruth Elynia S. Mabanglo
Kilusang Kababaihan
A Term Paper for Fil 40
Dizon, Lea Mae Patricia L.
2006-13839
Sto. Domingo, Rosalyn Mae P.
2006- 11360
Professor Melania Abad
University of the Philippines
Diliman, Quezon City
BIBLIYOGRAPIYA
______________ ., Kalagin ang ating tanikala: batayang kurso sa kalagayan at pakikibaka ng kababaihang Pilipino Quezon City : Center for Women's Resources, 1994
Azarcon, Pennie S., ed. Kamalayan: Feminist Writings in the Philippines. Quezon City : Pilipina, 1987.
Camacho, Leonarda. 100 Centennial Celebration: Feminist Movement in the Philippines. [S.l.] : Printed by Vibal Pub. House, c2005.
Fernandez, Albina Peczon at Rosalinda Ofreneo. Kababaihan. Kalinangan. Kaunlaran: essays on women and culture. Quezon City : Forward Looking Women, 1990.
Tarrosa-Subido, Trinidad. The Feminist Movement in the Philippines. [Manila] : National Federation of Women's Clubs, [c1955]
ANG MAGING BABAE
Ruth E. S. Mabanglo
Kasumpa-sumpa
Ang maging babae sa panahong ito:
Depinisyong pamana
Ng nakaraa’t kasalukuyan
Anong hinulma
Ng pag-asam at pangangailangan
Ibukod pa ang basal na kalikasan
Ang tungkulin at kapaligiran
Isaalang-alang bilang halimbawa,
Ang maiambil sa babasaging kristals
Mulang pagsilang,
Nagumon ang isip sa karupukan
Guwardiya ang bawat ama
Ng pagkabirhe’t kahihiyan
Bawat kapatid na lalaki’y espiya,
Asawa naman ang kandadong ikinakawit sa pinto.
Tunguhin ka’t dahilan
Ng di mabilang na bagay.
Kanin at pamulat
Ng hangari’t paglingap.
Anong pag-ibig o pagpapakasakit?
Anong paglilingkod o pagtitiis?
Ikaw ang pundiya ng karsonsilyo,
Ang kurbata, maging ang burda sa panyo’t kamiseta.
Susukatin ang ganda mo sa kama,
Ang talino’y sa pagkita ng pera.
Kumikita ang beer at sine,
Nagdidildil ka ng pills.
Tunay, ang maging babae sa panahong ito’y
Magiging kasumpa-sumpa lalo
Kung di babalikwas ang lahat,
Matiim na magmumuni’t magsusuri
Kahit masugat-sugatan ang sarili,
Upang ang dugong
Sa kabahagi lamang dumadaloy,
Maglandas din sa isip at guni-guni.
No comments:
Post a Comment