Thursday, December 6, 2007

FIDELITY

(18 September 2006)
* tulang ipinasa para sa MPs10

Kalaro ko siya mula pagkabata.
Ang mga laro namin: tumbang preso,
patintero, lutu-lutuan,
Bahay-bahayan.

Sa bawat larong sinasalihan namin
Noon, palagi kaming magkasangga.
Sumpaan namin: "Walang iwanan!"
At buong puso naming sinusunod 'yon.

Kapag tumbang-preso ang laro
Gusto namin, partners ang taya.
kaya kapag taya siya, taya rin ako.
Kung 'di naman, tulungan kami sa pagapapataob ng lata.

Sa patintero, magkasama kami sa
Isang grupo, magkaagapay sa pang-a-out kapag taya
Kami. Tuwing tumitira naman,
Tulungan sa panlalanse upang makaraan.

Sabay kami sa paghahandang mga kailangan
Naming sangkap kapag lutu-lutuan ang laro.
Tapos ay ako ang magluluto, siya ang maghahain.
At 'pag kakain na, walang lamangan sa paghahati.

Ang pinakamasaya ay ang bahay-bahayan kung saan
Ako ang ina, at siya naman ang ama.
Si Helen, ang aking manyika at si Olsen, ang kanyang robot
Ang aming mga anak. Ako ang sa bahay, siya sa trabaho.

Hanggang ngayon ay kalaro ko pa rin siya.
At nananatili pa rin ang aming sumpaan.
Ngunit ngayon, bahay-bahayan na lamang ang laro.
Ako ang sa bahay, siya sa trabaho--may ibang kalaro.


RM STO.DOMINGO
blackrose_kaito
L kenshin 'o7



No comments: